Pasig inilunsad ang Transition Housing Unit na gawa sa recycled plastics
Angelo Calixtro April 21, 2026 at 09:38 PM
PASIG CITY — Isang makabagong Transition Housing Unit na gawa sa recycled plastics ang inilunsad ng Evergreen Labs, katuwang ang pamahalaang lungsod ng Pasig, bilang bahagi ng kanilang programang pangkomunidad at sustainable urban housing.
Ang Sample Transition Housing Unit, na dinisenyo ng Evergreen Labs, ay itinampok bilang isang “innovative and sustainable solution” sa urban housing. Ayon sa mga presentasyon, maaari itong maitayo sa loob lamang ng dalawang linggo at idinisenyong maging matibay sa kabila ng paggamit ng recycled plastic materials.
Ipinaliwanag ng lokal na pamahalaan na kahit libo-libong lote na ang naipamahagi sa mga pamilyang Pasigueño, nananatili pa ring hamon ang pag-upgrade ng ilang lugar sa lungsod. Sa ganitong konteksto, nakikitang mahalaga ang modular housing model bilang pansamantalang tirahan para sa mga residenteng maaapektuhan ng mga proyektong pang-imprastraktura.
Dumalo rin sa paglulunsad ang mga kinatawan mula sa Nordic Council of Ministers, kabilang sina Anna Ferry ng Embassy of Sweden, Franz-Michael Mellbin ng Danish Embassy, at Christian Halaas Lyster ng Norwegian Embassy.
Posibleng maging susi ang ganitong uri ng pabahay sa pagpapabilis ng community upgrades habang tinitiyak ang maayos at ligtas na pansamantalang matitirhan ng mga residente.
📷 Vico Sotto FB