Plaridel MPS nagsagawa ng operasyon kontra ilegal na open pipe at muffler
Mike Lopez February 9, 2026 at 01:32 PM
PLARIDEL — Nagsagawa ng operasyon ang Plaridel Municipal Police Station (MPS) laban sa mga ilegal na open pipe at muffler bilang bahagi ng pinaigting na kampanya kontra paglabag sa mga batas trapiko at lokal na ordinansa hinggil sa noise pollution.
Pinangunahan ang operasyon ni PLt. Col. Restituto Granil, hepe ng Plaridel Police. Sa naturang aktibidad, kabuuang 16 na open pipe at muffler ang nakumpiska mula sa mga motoristang lumabag sa umiiral na regulasyon.
Sumailalim sa wastong dokumentasyon at proseso ang mga nakumpiskang kagamitan alinsunod sa itinatakdang patakaran ng pulisya.
Ayon sa Plaridel MPS, layunin ng operasyon na mabawasan ang labis na ingay sa kalsada, mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng mga motorista at residente, at mapalakas ang disiplina sa pagsunod sa mga batas trapiko.
Patuloy namang magsasagawa ng kahalintulad na operasyon ang Plaridel MPS bilang suporta sa direktiba ng Bulacan Police Provincial Office at sa layunin ng Philippine National Police na maghatid ng mabilis, tapat, at epektibong serbisyo sa publiko.