Sektor ng agrikultura sa Bocaue, patuloy na pinalalakas sa pamamagitan ng hydroponics at urban gardening
Angelo Calixtro February 21, 2026 at 09:13 PM
BOCAUE, Bulacan — Patuloy na pinalalakas ng Pamahalaang Bayan ng Bocaue ang sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng pagsasagawa ng Hydroponics Farming at Urban Gardening Training para sa mga residente, sa pangunguna ng Municipal Agriculture Office.
Layunin ng programa na hikayatin ang mga mamamayan na makilahok sa makabagong pamamaraan ng pagtatanim upang matiyak ang masustansya at sapat na suplay ng pagkain sa bawat tahanan.
Bukod sa pagiging alternatibong pinagkukunan ng pagkain, inaasahan ding magsisilbi itong dagdag kabuhayan para sa mga pamilyang lalahok sa inisyatiba.
Sa isinagawang pagsasanay, binigyang-diin ang hydroponics bilang isang siyentipiko at makabagong paraan ng pagtatanim na hindi nangangailangan ng lupa sa halip, gumagamit ito ng sustansyang tinunaw sa tubig upang mapalago ang mga halaman, na angkop sa mga lugar na may limitadong espasyo.
Ayon sa lokal na pamahalaan, kahit maliit ang bakuran o espasyo sa bahay, maaari pa ring makapagtanim ang mga residente sa pamamagitan ng urban gardening at hydroponics.
Sa ganitong paraan, naipapakita na hindi hadlang ang kakulangan sa lupa upang makapagsimula ng sariling taniman at makatulong sa seguridad sa pagkain ng komunidad.
📷 Mayor Jonjon JJV Villanueva