Mahigit 8,000 TNVS drivers, nakatanggap ng fuel subsidy sa QC
Angelo Calixtro March 25, 2026 at 04:01 PM
QUEZON CITY — Namahagi na ng fuel subsidy ang Pamahalaang Lungsod ng Quezon City para sa mga Transportation Network Vehicle Service (TNVS) drivers noong Martes, bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Mahigit 8,000 TNVS drivers ang nakatanggap ng tulong pinansyal mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng Quezon City.
Tiniyak ng tanggapan ni Mayor Joy Belmonte, katuwang ang Traffic and Transport Management Department, Social Services Development Department, at Quezon Memorial Circle Administration, na naging maayos at organisado ang distribusyon ng fuel subsidy sa mga benepisyaryo.
Layunin ng programa na maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng petrolyo sa hanay ng mga TNVS drivers na patuloy na naghahatid ng serbisyo sa publiko.
Samantala, pinayuhan ang mga driver na may katanungan o nangangailangan ng karagdagang impormasyon hinggil sa fuel subsidy na makipag-ugnayan sa LTFRB para sa kaukulang gabay at tulong.
📷 Quezon City Government FB