P2.1M halaga ng shabu nakumpiska sa Bataan
Mon Lazaro April 30, 2025 at 11:27 AM
Camp Olivas, Pampanga – Nakakumpiska ng P2.1 milyon halaga ng pinaghihinalaang shabu ang mga operatiba ng Police Regional Office 3 sa magkahiwalay na operasyon sa lalawigan ng Bataan nitong nakaraang Sabado at Linggo.
Sa unang operasyon noong Sabado (Abril 26) bandang 11:45 ng umaga, isinagawa ng SDEU operatives ng Abucay MPS ang pag-aresto sa mga suspek na sina alyas “Alvin” at alyas “Izon” sa Brgy. Capitangan, Abucay, Bataan. Ang dalawa ay kapwa high-value individuals (HVI) at residente ng Brgy. Mabatang, Abucay, Bataan.
Nakumpiska mula sa kanila ang tinatayang 66.5 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang P452,200.
Samantala, noong Linggo (Abril 27) bandang 11:20 ng gabi, nahuli ng mga operatiba ng Balanga City Police Station ang isa pang high-value individual na si “Aldrin,” 28 anyos, sa Brgy. Bagong Silang, Balanga City, Bataan.
Nakuha mula sa suspek ang walong malalaking sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na humigit-kumulang 250 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P1,700,000.
Ang mga suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang mga istasyon ng pulisya habang inihahanda ang mga kaukulang kaso laban sa kanila.
Ipinaliwanag ni Fajardo, Regional Police Director ng PRO3: “Hindi natutulog ang ating kampanya laban sa iligal na droga. Sa bawat araw—maging Sabado o Linggo—ang inyong kapulisan sa Gitnang Luzon ay buong tapang na isinasagawa ang mga operasyon upang iligtas ang ating mga komunidad mula sa banta ng iligal na droga.”
📷 Regional Police Office ng Gitnang Luzon