Pulis sugatan matapos saksakin sa mukha ng inaaresto
Mike Manalaysay January 20, 2026 at 03:53 PM
CAMP GEN. ALEJO S. SANTOS — Sugatan ang isang pulis matapos siyang saksakin sa mukha ng isang wanted person habang isinisilbi ang warrant of arrest sa Barangay Batia, Bocaue, noong madaling-araw ng Lunes, Enero 19.
Kinilala ni PLt. Col. Gilbert Diaz, hepe ng Bocaue Municipal Police Station, ang suspek na si alyas “Just,” 31-anyos. Isinagawa ang pag-aresto dakong 12:05 ng madaling-araw sa bisa ng warrant para sa kasong Theft na inisyu ng Regional Trial Court Branch 17 sa Malolos City.
Batay sa ulat ng pulisya, habang pinoposasan ang akusado, bigla siyang bumunot ng kitchen knife at sinaksak ang isa sa mga arresting officer sa kaliwang pisngi. Dahil sa banta sa kaniyang buhay, ipinagtanggol ng pulis ang kaniyang sarili at binaril ang akusado na tumama sa kanyang kanang balikat.
Agad na dinala ang sugatang pulis at ang suspek sa Joni Villanueva Hospital para ipagamot. Nakuha sa pinangyarihan ng insidente ang ginamit na kutsilyo at isang basyo ng bala.
Ayon kay PCol. Angel Garcillano, Provincial Director ng Bulacan PPO, inihahanda na ang karagdagang kasong Frustrated Murder laban sa suspek bukod sa kinakaharap nitong kasong Theft.
📷 Bulacan Police Provincial Office FB