Manila PIO nilinaw na ligtas ang sasakyan na ginagamit sa libreng sakay, hindi dump truck
Angelo Calixtro March 27, 2026 at 06:50 PM
MANILA — Nilinaw ng Manila Public Information Office na walang katotohanan ang mga kumakalat na posts sa social media na nagsasabing garbage truck ang ginagamit sa libreng sakay na handog ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila.
Ayon sa PIO, ang mga sasakyan ay Shacman disaster transport trucks mula sa Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department, na binili noong 2023 at isinailalim sa espesyal na customization para sa search and rescue operations at emergency response.
Matagal na anila itong ginagamit sa iba’t ibang kalamidad at ngayon ay nakalaan upang tulungan ang mga pasahero na apektado ng dalawang araw na tigil-pasada.
Tiniyak ng lungsod na ang mga sasakyan ay ligtas at maayos para sa publiko at mariin din nilang kinokondena ang pagtatangkang magpakalat ng maling impormasyon na nagdudulot ng kalituhan.
Hinihikayat din nila ang lahat na maging mapanuri at tiyaking beripikado ang impormasyon bago ibahagi sa iba.
📷 Manila PIO FB