Most Wanted Person ng Baguio, arestado sa San Miguel, Bulacan
Mike Manalaysay January 28, 2026 at 08:09 PM
CAMP GEN. ALEJO S. SANTOS — Naaresto ng pulisya ang isang 30-anyos na lalaki na itinuturing na Most Wanted Person (City Level) ng Baguio City sa isinagawang operasyon sa San Miguel, Bulacan noong Lunes ng hapon, Enero 26.
Sa ulat na ipinarating kay PCol. Angel Garcillano, Provincial Director ng Bulacan PPO, kinilala ni PLt. Col. Voltaire Rivera, hepe ng San Miguel Municipal Police Station (MPS), ang akusado na residente ng Barangay MRR Queen of Peace, Baguio City. Isinagawa ang pag-aresto sa Barangay Sta. Rita, San Miguel dakong alas-2:25 ng hapon.
Pinangunahan ng San Miguel Police ang operasyon katuwang ang Police Station 8 ng Baguio City Police Office para isilbi ang Warrant of Arrest laban sa suspek. Nahaharap siya sa kasong paglabag sa Republic Act 10883 o New Anti-Carnapping Act of 2016. Ang warrant ay inisyu ng RTC Branch 60, Baguio City, na may inirekomendang piyansa na ₱300,000.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ang suspek ng San Miguel MPS para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
📷 Bulacan Police Provincial Office FB