Oplan Kontra Baha, pinalalakas sa Valenzuela bago ang tag-ulan
Angelo Calixtro March 28, 2026 at 09:33 PM
VALENZUELA CITY — Nagsagawa ng inspeksyon ang Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela sa Oplan Kontra Baha sa Lingunan–Veinte Reales Creek noong Marso 27 bilang bahagi ng paghahanda sa nalalapit na tag-ulan.
Pinangunahan ni Valenzuela Mayor Wes Gatchalian ang aktibidad kasama ang Flood Control Division, Department of Public Works and Highways (DPWH), NLEX Corporation, at Metropolitan Manila Development Authority General Manager na si Nicolas Torre III.
Layunin ng inspeksyon na suriin ang progreso ng dredging operations sa mga pangunahing daluyan ng tubig sa lungsod.
Ayon sa lokal na pamahalaan, nagsimula na noong Pebrero 2026 ang tuloy-tuloy na dredging sa iba’t ibang creek sa mga barangay tulad ng Maysan, Canumay West, Paso de Blas, Dalandanan, Coloong, at Lawang Bato.
Bahagi ang Oplan Kontra Baha ng inisyatibo ng NLEX Corporation, katuwang ang lungsod ng Valenzuela at DPWH, upang maiwasan ang pagbaha at mapanatili ang maayos na daloy ng tubig sa mga komunidad.
Sinabi ng pamahalaang lungsod na mahalaga ang koordinasyon ng iba’t ibang ahensya upang mapagaan ang epekto ng pagbaha sa mga residente.
📷 Valenzuela City FB