VIDA, nagdiwang ng ika-3 anibersaryo sa pamamagitan ng parenting seminar para sa mga pamilya ng may special needs
Angelo Calixtro February 20, 2026 at 10:20 PM
VALENZUELA CITY — Bilang pagdiriwang ng ikatlong anibersaryo ng pagkakatatag ng Valenzuela Intellectual Disability Advocates (VIDA), isinagawa ang isang aktibidad na pinamagatang “Parenting an Adult with Special Needs” noong Pebrero 16, 2026 sa ValACE Training Hall.
Pinangunahan ang programa ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO) bilang bahagi ng patuloy nitong adbokasiya sa pagpapalakas ng kamalayan, suporta, at pagbibigay-kapangyarihan sa mga persons with disabilities (PWD) at kanilang mga pamilya.
Dinaluhan ang aktibidad ng 100 kalahok na binubuo ng mga indibidwal na may espesyal na pangangailangan at kanilang mga magulang.
Layunin ng seminar na bigyan ng gabay at dagdag kaalaman ang mga magulang sa pag-aaruga at paggabay sa kanilang mga anak na nasa hustong gulang na may special needs, gayundin ang pagpapalalim ng ugnayan at suporta sa loob ng komunidad.
Ayon sa VIDA, mahalaga ang pagkakaroon ng ganitong mga programa upang matugunan ang patuloy na pangangailangan ng mga PWD lalo na sa kanilang paglipat sa yugto ng adulthood.
Sa pamamagitan ng ganitong inisyatibo, patuloy na isinusulong ng lokal na pamahalaan at mga katuwang na organisasyon ang isang mas inklusibo at makataong komunidad para sa lahat.
📷 Valenzuela City Government