Walong taong gulang na bata, natagpuang patay sa San Pablo City
Jan-rey Asotes January 13, 2026 at 10:28 PM
SAN PABLO CITY, Laguna — Natagpuang patay ang isang walong taong gulang na mag-aaral sa isang liblib na lugar sa Barangay Santiago 2 noong Biyernes, Enero 9, matapos ang ilang oras na pagkawala.
Nakita ang biktimang si Gianni Rick Nordero na duguan at wala nang buhay malapit sa isang kuweba dakong alas-11:00 ng umaga. Ayon sa pamilya, nagtamo ang biktima ng mga taga sa katawan at pagkabali ng ilang tadyang. Huling nakitang buhay ang bata alas-6:00 ng umaga bago ito pumasok sana sa paaralan.
Kinumpirma ni PLt. Col. Redentor Tiraña, hepe ng San Pablo City Police Station, na mayroon na silang person of interest (POI) na nasa kustodiya ng pulisya. Ayon sa mga saksi, nakitang naghahasa ng itak ang lalaki bago mangyari ang krimen at may bakas din ng dugo sa kaniyang kasuotan.
Mariing kinondena ni San Pablo City Mayor Arcadio “Najie” Gapangada Jr. ang krimen at nag-alok ang lokal na pamahalaan at barangay ng kabuuang P150,000 na pabuya para sa pagkakakilanlan ng salarin.
Nagdagdag din ng P50,000 cash reward si Congressman Loreto “Amben” Amante kaya umakyat sa P200,000 ang kabuuang pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa ikalulutas ng kaso.
Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya upang mapanagot ang nasa likod ng karumaldumal na pagpaslang.
📷 Persida Acosta FB