239 trainees sa Pasig, tumanggap ng starter kits para sa kabuhayan
Angelo Calixtro April 10, 2026 at 08:13 PM
PASIG CITY — Tumanggap ng starter kits ang 239 graduate trainees ng Pasig City Skills Development Office noong Abril 8, 2026, bilang bahagi ng programa ng lungsod na naglalayong tulungan silang makapagsimula ng sariling kabuhayan.
Layunin ng programa na hikayatin ang self-employment at palakasin ang kakayahan ng mga Pasigueño na kumita gamit ang kanilang natutunang kasanayan.
Isinagawa ang distribusyon sa Pasig City Institute of Science and Technology – Manggahan Campus, kung saan ipinamahagi ang mga kagamitan na naaayon sa mga kursong kanilang tinapos noong nakaraang taon.
Dumalo sa aktibidad si Mayor Vico Sotto at binigyang-diin ang kahalagahan ng skills training sa pagbibigay ng oportunidad sa mga residente.
Bago mapili bilang benepisyaryo, inatasan ang mga kalahok na gumawa ng kani-kanilang business plan. Sa tulong ng kanilang mga trainer, napahusay ang mga ito hanggang sa maging karapat-dapat silang makatanggap ng kagamitan.
Kabilang sa mga ipinamahagi ang welding tools tulad ng inverter welding machine at safety gear, pati na rin hairdressing kits na may kasamang mga gamit sa pag-aayos at paggupit ng buhok, depende sa kursong kanilang kinuha.
📷 Pasig LGU FB