QC LGU, pinalalakas ang papel ng kababaihan sa transportasyon sa isinagawang summit
Angelo Calixtro March 20, 2026 at 06:18 PM
QUEZON CITY — Daan-daang kababaihan mula sa sektor ng transportasyon ang dumalo sa QC Women in Transportation and Mobility Summit na ginanap sa Quezon City M.I.C.E. Center noong ika-19 ng Marso.
Layunin nitong kilalanin ang kahalagahan ng kababaihan sa pagpaplano at pagdidisenyo ng transportasyon para matiyak ang mas ligtas, mabilis, at accessible na biyahe para sa lahat.
Sa kanyang talumpati, ibinahagi ni Q.C. Mayor Joy Belmonte ang mga hakbang ng lokal na pamahalaan para mapabuti ang kaligtasan ng mga commuter, lalo na ang kababaihan. Kabilang dito ang pagpapalawak ng CCTV network, pagtatayo ng protected bike lanes, at pagpapaganda ng mga sidewalk sa lungsod.
Isinusulong din ng pamahalaang lungsod ang pagiging pedestrian-friendly ng Quezon City bilang bahagi ng mas inklusibong urban mobility plan.
Layunin din ng naturang summit na ipakita ang mga inisyatibo ng lungsod para sa kapakanan ng kababaihan sa transportasyon, at mahikayat ang iba pang sektor at organisasyon na makiisa sa pagsusulong ng ligtas at maayos na biyahe para sa lahat.
📷 Quezon City Government