376 mag-aaral, dumalo sa orientation ng CMPI para sa skills training
Angelo Calixtro February 20, 2026 at 10:50 PM
MALABON CITY — Isang bagong yugto ang sinimulan ng 376 na mag-aaral matapos silang dumalo sa isinagawang Students Orientation ng City of Malabon Polytechnic Institute (CMPI), bilang unang hakbang sa paghubog ng kanilang kasanayan sa iba’t ibang kursong teknikal at bokasyonal.
Kabilang sa mga programang inaalok ng institusyon ang Housekeeping, Food and Beverage Services, Cookery, Bookkeeping, at iba pang kursong layuning magbigay ng praktikal na kaalaman at kahandaan sa trabaho.
Sa naturang orientation, ipinakilala ang mga trainer at tinalakay ang mahahalagang patakaran, alituntunin, at mga inaasahan sa pagsasanay upang matiyak na magiging maayos ang paglalakbay ng bawat mag-aaral sa kanilang napiling larangan.
Pinangunahan ang aktibidad ni Atty. Virgilio Carreon Jr., Officer-in-Charge ng CMPI, katuwang ang mga trainer at kawani ng tanggapan.
Ayon sa pamahalaang lungsod, bahagi ang programa ng patuloy na pagsisikap ng administrasyon ni Mayor Jeannie Sandoval na palawakin ang oportunidad sa edukasyon at hanapbuhay para sa mga residente ng Malabon.
📷 Malabon City Government