Lalaki binugbog, nilaslas ang mukha, patay; Hustisya panawagan ng pamilya
Sonny Fernandez June 7, 2023 at 05:03 PMNanawagan ng hustisya ang kaanak at mga kaibigan ni Ken Bishop Montano, 23 years old,binugbog siya at nilaslas ang mukha hanggang namatay noong Linggo ng madaling araw,May 28 sa Barangay Rizal, Makati City.
Kinilala ng pulisya ang dalawang suspek na sina Raffy Reyes alias Komang at Joshua Manglicmot, 23.
Parehong taga-Barangay Rizal, Makati ang mga suspek habang taga-South Signal Village, Taguig City ang biktimang si Montano.
Ayon sa rumespondeng pulis na pinangunahan ni P/MSg Glen Marvin Gallero, pasado ala-una ng madaling araw,naabutan nilang nakahandusay sa kalsada si Montano, duguan ang mukha at wala nang buhay.
Nilapitan sila Gallero ni Barangay Captain Bryan Beran at sinabing nakita sa CCTV ang isa sa mga suspek na may kasamang babae na pumasok sa bahay sa Lot 10, Block 291, Flamingo st.
Agad itong pinasok ng mga pulis ng Comembo Police Sub-station kasama ang Bantay Bayan personnel pero isang babae na sinasabing witness, ang kanilang naabutan at boluntaryong nagbigay ng testimonya.
Ayon sa pulisya, nangyari ang krimen bandang 12:08 am sa Flamingo corner Maya streets.
Sa sinumpaan niyang salaysay, sinabi ni Micca Barsona Delos Reyes, 23, na ginugulpi ng dalawa ang biktima habang inaawat niya ang kanyang live-in partner na si Joshua na isa sa mga suspek, at dinala siya sa kanilang bahay.
Kuwento pa ni Reyes, pagkapasok nila ng bahay, narinig niya na may binasag na bote pero hindi niya nakita ang sumunod na nangyari.
Ayon sa SOCO, nagtamo ang biktima ng apat na lacerations sa mukha at dinala ang bangkay sa Loreto Funeral para sa autopsy.
Ayon sa source ng Arkipelago News, hindi pa inilalabas ang autopsy report pero pinaniniwalaang naubusan ng dugo si Montano dahil nilaslas ng mga suspek ang kanyang mukha ng basag na bote ng softdrink saka siya iniwan.
Sa report ng Southern Police District group na pinamunuan ni P/Maj. Gerard Vilar, na-recover nila ang tatlong piraso ng cigarette butts at basag na bote ng Kasalo Coca Cola na may mga dugo.
Kasalukuyang tinutugis ng pulisya ang dalawang suspek na nahaharap sa kasong homicide o paglabag sa Article 249 ng Revised Penal Code. Inaalam din ang motibo sa pagpatay.
Hinatid sa kanyang huling himlayan si Montano noong June 3 sa Heritage Memorial Park sa Taguig City.
Photo: Southern Police District at pamilya ng biktima