Panukalang batas para hatiin sa anim ang Barangay 176 sa Caloocan nilagdaan na ni PBBM
Reggie Vizmanos April 5, 2024 at 08:41 PMNilagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang panukalang batas na naglalayong hatiin sa anim ang kasalukuyang Barangay 176 sa Caloocan City, na pinakamalaking barangay at may pinakamalaking populasyon sa bansa (261,729 residente, base sa 2020 census).
Alinsunod sa bagong lagdang Republic Act (RA) 11993 ay magdaraos ang Commission on Elections (Comelec) ng plebisito sa Barangay 176 sa loob ng 90 araw matapos maging epektibo ang bagong batas.
Ang mga magiging bagong political unit ay tatawaging Barangay 176-A, 176-B, 176-C, 176-D, 176-E, at Barangay 176-F na ang bawat isa ay magiging “separate and independent” na barangay ng lungsod.
Inaatasan ng batas ang alkalde ng Caloocan na mag-appoint ng interim barangay officials na kinabibilangan ng Punong Barangay, pitong Sangguniang Barangay members, Sangguniang Kabataan chairman, at pito ring SK members sa bawat isa sa anim na bagong barangay.
Sila ay pansamantalang manunungkulan hanggang sa maihalal ang mga opisyal ng mga bagong barangay.
Ang mga bagong barangay ay makakakuha ng kaukulang bahagi sa National Allotment shares alinsunod sa Republic Act No. 7160 o Local Government Code of 1991.
Ang R.A. No. 11993 ay magiging ganap na batas 15 araw makaraang ito ay mailathala sa Official Gazette o sa pahayagang may pambansang sikulasyon.
Matatandaang lumobo ang populasyon ng Barangay 176 matapos itong gawing relocation site ng pamahalaan para sa mga inililikas na residente ng urban poor communities ng Metro Manila noong 1970s.
📷: