80,000 pamilya sa Maynila, tatanggap ng libreng bigas sa ilalim ng Biyayang Bigas sa Maynila
Angelo Calixtro April 9, 2026 at 08:03 PM
MANILA — Inaasahang makikinabang ang humigit-kumulang 80,000 pamilya sa lungsod sa ilalim ng inilunsad na programang “Biyayang Bigas sa Maynila,” na naglalayong magbigay ng karagdagang tulong sa mga residente sa gitna ng patuloy na hamon sa ekonomiya.
Ayon kay Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, sisimulan ang distribusyon sa ika-16 ng Abril at tatagal ito ng anim na buwan. Bawat kwalipikadong benepisyaryo ay makatatanggap ng tig-10 kilo ng bigas bilang bahagi ng programa.
Ipinaliwanag ng alkalde na hindi lamang mga tsuper o nasa sektor ng transportasyon ang saklaw ng inisyatiba, kundi pati iba pang manggagawa kabilang ang nasa service sector, upang mas marami ang matulungan.
Isinusulong ang programa sa tulong ng Local Government Support Fund mula sa pambansang pamahalaan, kung saan kabilang ang Maynila sa mga lungsod na nabigyan ng pondo para sa implementasyon nito.
Iginiit ng lokal na pamahalaan na ang programa ay bahagi ng mas malawak na hakbang upang maibsan ang epekto ng kasalukuyang krisis at matiyak ang sapat na suplay ng pagkain para sa mga pamilyang nangangailangan.
📷 Manila Public Information Office FB