Halos 28k na pasahero, nakinabang sa libreng sakay sa Maynila
Angelo Calixtro March 30, 2026 at 05:25 PM
MAYNILA — Umabot sa halos 28,000 pasahero ang nakinabang sa libreng sakay program ng lungsod ng Maynjla nitong Lunes ng umaga, ayon kay Mayor Isko Moreno Domagoso.
Ayon sa alkalde, layunin ng inisyatiba na tulungan ang mga commuter pati na ang sektor ng transportasyon at gasolina.
Batay sa ulat ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), nasa 27,994 pasahero na ang naserbisyuhan hanggang alas-11:00 ng umaga noong Marso 30.
Ayon kay Moreno, dinisenyo ang programa upang sabay-sabay na makinabang ang apat na sektor — operator, driver, gasolinahan, at riding public — sa gitna ng patuloy na epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa buong mundo.
“Makaramdam lang ng ginhawa ang taong bayan, maramdaman lang nila na may gobyerno sa Maynila, masaya na ako,” ayon kay Moreno matapos ang flag-raising ceremony sa Manila City Hall.
Sa ilalim ng programa, sinasagot ng pamahalaang lungsod ang boundary ng mga operator, kaya’t sigurado ang kanilang kita sa bawat araw. Para naman sa mga driver, tumaas ang garantisadong kita mula sa karaniwang P200 – P300 kada araw hanggang humigit-kumulang P1,000.
Ipinapamahagi rin ang kalahati ng kita bago bumiyahe ang mga tsuper, habang ang natitirang bahagi ay ibinibigay pagkatapos ng kanilang shift.
“Petiks-petiks lang ang pagmamaneho niya, hindi siya mai-stress. But there is a level of assurance na meron siyang maiuwing magandang kita,” dagdag pa ng punong lungsod.
📷 Manila Public Information Office