Jerry Gracio, tatakbong mayor ng Valenzuela
Angelo Calixtro March 20, 2026 at 09:43 PM
VALENZUELA CITY — Nag-anunsyo ng kanyang kandidatura bilang mayor ng Valenzuela City si Jerry Gracio, kilalang manunulat at cultural and developmental worker noong Marso 20.
Sa pahayag ni Gracio, tinalakay niya ang ilang matagal nang hamon sa lungsod tulad ng trapiko, pagbaha, at kondisyon ng mga kalsada. Binigyang-diin din niya na kailangan ng Valenzuela ng mas maayos na kalsada, mas epektibong flood control system, pagpapabuti ng serbisyong pampubliko kabilang ang mga ospital, at suporta sa maliliit na negosyo.
“Wala akong pera, wala akong makinarya, wala akong kapangyarihan. Pero kaya kong patakbuhin ang city hall kasama ang taumbayan, lalo na ang kabataan, lalo na ang mga manggagawa na bumubuo sa kalakhang bahagi ng ating lungsod.” ayon kay Gracio.
Ipinaliwanag din niya na hindi siya trapo at hindi bahagi ng kahit anong political dynasty.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na tugon ang kampo ni Valenzuela Mayor Wes Gatchalian tungkol sa naturang pahayag. Inaasahan naman na mas iigting pa ang diskusyon tungkol sa mga lokal na isyu sa lungsod habang papalapit ang halalan.
📷 Jerry B. Gracio FB