Libreng Nail Care Training Program, iniaalok ng MMDC sa mga Batang Maynila
Angelo Calixtro March 16, 2026 at 02:15 PM
MAYNILA — Inaanyayahan ng Manila Manpower Development Center (MMDC) ang mga Batang Maynila na mahilig sa nail art at nais itong gawing kabuhayan na mag-enroll sa Nail Care Training Program na handog ng sentro sa ilalim ng Manila Department of Social Welfare (MDSW).
Layunin ng programa na mabigyan ng kasanayan ang mga kalahok sa larangan ng nail care. Sa pagsasanay, matututunan ang mga pangunahing kaalaman sa manicure at pedicure, kabilang ang tamang nail care procedures at wastong pangangalaga sa kuko.
Ayon sa MMDC, makatutulong ang naturang training upang mabigyan ng oportunidad ang mga kalahok na makapasok sa trabaho sa mga salon at beauty centers, o makapagsimula ng sarili nilang maliit na negosyo sa hinaharap.
Bahagi ito ng patuloy na pagsisikap ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila na maghatid ng mga de-kalidad na skills training program upang makapagbukas ng mas maraming oportunidad sa kabuhayan para sa bawat Manileño.
📷 Manila Public Information Office FB