Maynila, kabilang sa unang LGU sa NCR na may aprubadong 10-year solid waste plan
Angelo Calixtro February 18, 2026 at 11:42 PM
MAYNILA — Kabilang ang Lungsod ng Maynila sa mga unang local government unit (LGU) sa National Capital Region na naaprubahan ang updated 10-Year Solid Waste Management Plan (SWMP) para sa 2025–2034.
Pormal na inaprubahan ng National Solid Waste Management Commission (NSWMC) ang plano at sinertipikahan na ito ay naaayon sa umiiral na batas at pambansang pamantayan para sa ecological solid waste management.
Ayon sa pamahalaang lungsod, nakatuon ang plano sa paglipat mula sa simpleng pagtatapon ng basura tungo sa mas organisado at pangmatagalang sistema ng pamamahala ng solid waste.
Kabilang sa mga pangunahing hakbang ang pagpapalakas ng waste reduction sa pamamagitan ng 3Rs (Reduce, Re-use, Recycle), pagpapalawak ng recycling at composting programs sa mga barangay, at pagpapaigting ng kampanya sa impormasyon para sa publiko.
Palalakasin din ang papel ng Barangay Ecological Solid Waste Management Committees (BESWMCs), kabilang ang pagbibigay ng insentibo sa mga barangay na magpapakita ng kahusayan sa pagpapatupad ng mga programa sa kalinisan at disiplina sa pamamahala ng basura.
Binati ng lungsod ang Department of Environment and Public Services (DEPS) sa pangunguna ng Officer-in-Charge na si Kenneth Amurao at ang buong tanggapan para sa pagpasa ng updated plan, na inaasahang magbibigay direksyon sa solid waste management ng Maynila sa susunod na sampung taon.
📷 Isko Moreno Domagoso FB