Valenzuela LGU, nagsawa ng benchmarking visit sa Taguig Center for Women
Angelo Calixtro April 10, 2026 at 08:45 PM
VALENZUELA CITY — Bilang bahagi ng kanilang pagsisikap na mapahusay ang serbisyong pangkalusugan sa lungsod, nagsagawa ng benchmarking visit ang City Government of Valenzuela sa Taguig Center for Women noong Miyerkules, ika-8 ng Abril.
Pinangunahan ang aktibidad ni Mayor Wes Gatchalian, kasama ang mga kinatawan mula sa City Health Office (CHO) at City Social Welfare and Development Office (CSWDO).
Layunin ng pagbisita na suriin at pag-aralan ang mga pamantayan at pinakamahusay na praktis na maaaring ipatupad sa Valenzuela, partikular sa epektibong pamamahala ng ospital, mga pasilidad para sa iba’t ibang serbisyong pangkalusugan, at mga espesyal na lugar tulad ng OB-GYN ward at milk bank para sa mga ina.
Ayon sa pamahalaang lungsod, mahalaga ang naturang benchmarking activity upang higit pang mapabuti ang kalidad ng serbisyong medikal at matiyak ang maayos na pangangalaga sa mga pasyente.
Binigyang-diin din ng lokal na pamahalaan na ang hakbang na ito ay sumasalamin sa kanilang patuloy na pangako na maghatid ng abot-kaya, inklusibo, at dekalidad na serbisyong pangkalusugan para sa bawat pamilyang Valenzuelano
Inaasahan na magsisilbing gabay ang mga nakalap na impormasyon mula sa pagbisita sa pagpapatupad ng mga susunod na programang pangkalusugan at pagpapabuti ng mga pasilidad sa lungsod.
📷 Valenzuela City FB