Pasig LGU at Scholars of Sustenance Philippines, inilunsad ang Rescue Kitchen Project
Angelo Calixtro February 25, 2026 at 04:23 PM
PASIG CITY — Pormal nang inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig, katuwang ang Scholars of Sustenance Philippines (SOS Philippines), ang Rescue Kitchen Project sa pamamagitan ng paglagda sa isang Memorandum of Agreement noong Biyernes, Pebrero 20, 2026.
Layunin ng inisyatibang ito na tugunan ang lumalalang suliranin sa food waste o pagkaaksaya ng pagkain at food insecurity o kakulangan sa sapat at masustansiyang pagkain.
Sa ilalim ng proyekto, lilikhain ang isang sistema ng paglilikom ng mga labis ngunit ligtas, sariwa, at maaari pang kainin na pagkain mula sa iba’t ibang restaurant, hotel, retailer, at food manufacturer.
Ang mga ito ay ihahanda at iluluto upang maipamahagi sa mga komunidad at indibidwal na higit na nangangailangan sa lungsod.
Sa isinagawang ceremonial launching, nagpahayag ng suporta at pasasalamat si Pasig City Mayor Vico Sotto, na binigyang-diin ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos ng pamahalaan at pribadong sektor upang matugunan ang gutom at maiwasan ang pag-aaksaya ng pagkain.
Nagbigay rin ng mensahe si SOS Philippines General Manager Rachel Luna, na nagpasalamat sa tiwala at pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan.
Matapos ang ceremonial signing, nasaksihan ng mga youth volunteers mula sa lungsod ang aktwal na demonstrasyon ng paghahanda ng packed meals na pinangunahan ng SOS Philippines Team.
Ipinaliwanag sa kanila ang buong proseso ng Rescue Kitchen Project — mula sa pagkuha ng surplus food, paghahanda at pagluluto, pagpa-pack, hanggang sa maayos na delivery at distribution ng mga pagkain sa mga benepisyaryo.
Ayon sa pamahalaang lungsod, inaasahang makatutulong ang Rescue Kitchen Project hindi lamang sa pagbawas ng food waste kundi maging sa pagpapalakas ng seguridad sa pagkain ng mga pamilyang Pasigueño, lalo na ang mga nasa laylayan ng lipunan.
📷 Pasig City Public Information Office FB